Oath-taking raratsada
Oath-taking raratsada
Nina Tina Mendoza, Irish Ann Cruz, Juliet de Loza at Eralyn Prado
Isang araw matapos ibaba ng Court of Appeals (CA) ang desisyon nitong magpatupad ng ‘selective retake’ sa kontrobersyal na nursing licensure examination noong Hunyo ng taong ito, nagsimula nang isaayos ng Professional Regulations Commission (PRC) ang oath-taking ng mga ‘board passers’ na nilinis ng CA ruling.
Kamakalawa ay idineklara ng Appellate Court ang malinis na pagkakapasa ng may 1,186 successful examinees upang maibalik ang kanilang pangalan sa orihinal na talaan ng mga nakapasa bago naganap ang re-computation na ginawa ng PRC bilang solusyon sa nangyaring leakage.
Tanging ang 1,687 examinees lamang na naidagdag sa listahan ang inatasan ng CA na muling kumuha ng tests 3 at 5 na bahagi ng naturang pagsusulit.
"We’ll start the oath-taking once we are sure there is no problem. We are working out a schedule probably alphabetical," ani PRC chairperson Leonor Rosero.
Ngunit sa isang pahayag kahapon, tahasang inilutang ni Labor Sec. Arturo Brion ang pagdududa kung tuluyang mawawakasan ng ibinabang desisyon ng CA ang nakakaeskandalong dayaan at kung mabubura nito ang mantsang iniwan sa nasabing board exam.
Inamin ni Brion na sa ngayon ay malabo pang matapos ang isyu lalo’t may naririnig siyang paghahabol ng ilang sektor upang kuwestyunin at ihingi ng rekonsiderasyon ang selective retake na desisyon ng CA.
Kahapon ay sinabi naman ni Executive Sec. Eduardo Ermita na nasa kamay pa rin ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang huling desisyon kung magpapatupad ng lahatang retake o isulong ang selective retake ng CA.
Ngunit ang magiging pinal na desisyon ng Pangulo ay ibabase umano sa magiging rekomendasyon ni Brion bilang pinuno ng ahensyang nakakasaklaw sa PRC.
Sa Senado, pinaboran ni Sen. Richard Gordon ang desisyon ng CA sa pagsasabing makatarungan lamang na ilimita sa mga bahagi ng pagsusulit na apektado ng leakage at sa mga exeminees na nakinabang dito ang pagpapatupad ng retake.
Kaugnay nito, kinumpirma kahapon ni Rosero na ni-revoke na ng PRC ang lisensya ng dalawang miyembro ng Board of Nursing (BON) na sina Dean Anicia Dionisio at Virginia Madeja dahil sa pagkakasangkot sa leakage.