Retake iaapela
Nina Ludy Bermudo At Lilia Tolentino
Ang Pilipino STAR Ngayon 10/15/2006
Nakatakdang iakyat sa Korte Suprema ng UST College of Nursing ang ipinalabas na desisyon ng Court of Appeals (CA) na muling pakuhanin ng pagsusulit ang 1,687 examinees na umano’y nakinabang sa nursing exam leakage.
Sinabi ng tagapagsalita nito na si Rene Luis Tadle na hindi umano sila nasiyahan sa naging kautusan ng CA 1st Division na selective lamang ang kukuha ng muling pagsusulit gayong malinaw umano na nagkaroon ng malawakang dayaan sa nabanggit na exam.
Makabubuti anya kung alamin muna ang mga examinees na dumalo sa "final coaching" ng tatlong review centers na kinabibilangan ng Inress, Gapuz at Pentagon bago magdesisyon kung sino ang mga magre-retake ng maanomalyang Tests 3 at 5.
Una nang naghain ng petition ang grupo sa CA na huwag payagan na makapanumpa ang mga nakapasang nursing students sa pamamagitan ng re-computation ng Professional Regulation Commission (PRC).
Sa pananaw naman ni Labor Secretary Arturo Brion, hindi pa rin tuluyang matatapos ang problema sa Nursing Licensure Exam dahilan sa maaari pang umapela sa Korte Suprema ang mga grupong sumusuporta sa retake.
"I am just hoping that somehow there will be a closure soon of this affair. With the CA decision, I hope my fears will not happen that there will be motions for reconsideration, there will be appeal and there will be result to the Supreme Court," ani Brion.
Ayon kay Brion, lumalabas na hindi naresolba ang isyu ng leakage dahil ang mga nakapasa dahil sa re-computation ay uulit ng Tests 3 at 5 at hindi ‘yung mga dumalo sa tatlong nursing review centers na posible umanong pinagmulan ng leak.
Malinaw anya na ang desisyon ay no retake maliban sa 1,687 na hindi nakapasa dahil sa re-computation.
"Now the ones who got away scot-free with this were the review centers because the decision said after the PRC had issued the licenses, the PRC could still invalidate them once they were found to have attended the final coaching of the review centers (that secured the leakage)," ani Brion.
Inihayag naman ni PRC Chairman Leonor Rosero na hindi nila ilalathala sa mga pahayagan ang listahan ng mga magre-retake upang maprotektahan ang kanilang mga pangalan.
Tanging ang 1,186 examinees na nakapasa ang ihahayag upang sumailalim sa oath-taking sa darating na Oktubre 17 na gagawin sa PRC auditorium sa Maynila.
Natutuwa naman ang Alliance of Nursing dahil makukuha na rin sa wakas ng mga nakapasa ang kanilang lisensiya bagaman nalulungkot sila sa magre-retake.
Nanawagan ang grupo na kailangang igalang ang utos ng Korte at nakiusap na huwag ng iapela pa ang desisyon ng ÇA para makausad na at makapagtrabaho na ang mga pumasang nurse.