COVER-UP SA LEAKAGE
Ni GRACE VELASCO
Ibinunyag kahapon ng nursing leakage whistleblower na si Dennis Cesar Bautista ang umano'y cover-up na ginawa ng National Bureau of Investigation (NBI) nang magpalabas ito ng kulang-kulang na report at rekomendasyon sa Department of Justice (DOJ).
Batay sa 2-pahinang Supplemental Sworn Statement na isinumite ni Bautista sa DOJ, inakusahan nito sina NBI Agents Palmer Mallari at Martini Cruz ng NBI Anti-Fraud Division ng umano'y "selective prosecution" matapos nilang balewalain ang ilang mahahalagang bahagi ng kanyang testimonya na magpapatunay na hindi lamang limitado sa Luzon ang leakage kundi nakarating din ito maging sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Bautista, inihayag niya kina Mallari at Cruz ang insidente hinggil sa naganap na review ng Gapuz review center sa Philippine Trade and Training Center kung saan naka-satellite feed ito sa Cebu at Davao.
"..., among his audience were the reviewees of his centers in Cebu City and Davao who were receiving final coaching by satellite feed. We could see our Davao and Cebu City counterparts via satellite," salaysay ni Bautista.
Aniya, inakala niyang ang nasabing bahagi ng kanyang salaysay ay naibunyag na rin ng iba pang testigo kaya't sinabihan siya ng dalawang NBI agents na hindi na ito kailangan pa subalit nadismaya siya nang malaman na hindi ito nakabilang sa report na isinumite ng ahensya sa DOJ.
"...both Cruz and Mallari said that there was no more need for me to execute a supplemental statement. I took that to mean that there were others who supplied the same information I gave them and that my statement was only superfluous or, at best, corroborative," paliwanag pa ng testigo.
Iginiit pa ni Bautista na malaki ang epekto ng pagkakabalewala ng nabanggit na insidente dahil makakalusot ang iba pang dapat na managot, partikular na ang mga nasa Visayas at Mindanao.
Nauna nang ipinag-utos ng Court of Appeals (CA) ang retake para sa 1,687 na examinees habang pinahintulutan naman ang panunumpa ng 1,187 na orihinal na nakapasa sa nasabing pagsusulit bago ipinatupad at ginamit ang formula para sa re-computation ng mga marka ng mga ito.